Arestado ang umano’y opisyal ng New People’s Army-Southern Mindanao Regional Committee (NPA-SMRC) at isang miyembro nito sa isinagawang joint law enforcement operation sa Davao City nitong nakaraang weekend.
Sa pahayag na inilabas ng 10th Infantry Division, kinilala ang mga nahuli na sina Benny Flores Mendoza, political instructor at miyembro ng SMRC Executive Committee at Francisco Rotol Sud-ongan na kasapi din ng NPA-SMRC.
Sa report, nahuli ng mga personahe ng Criminal Investigation and Detection Group 11, ang dalawa sa Isla Suerte, Barangay 76-A, Bucana nitong December 28, 2024.
Inaresto si Mendoza sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 habang dinampot si Sud-ongan dahil sa dala nitong .45 na kalibre ng baril at fragmentation grenade.
Pinuri naman ni 10th ID Commander Major General Allan Hambala ang naging operasyon kung saan nagresulta ito sa pagkahuli ng mga natitirang kasapi ng NPA. | ulat ni Armando Fenequito | Radyo Pilipinas Davao