Inilabas ng PAGASA ang Heavy Rainfall Warning No. 1 para sa ilang mga lugar sa Bicol, kabilang ang Albay, at mga karatig-bayang Bacacay, Daraga, Legazpi City, Malilipot, Manito, Rapu Rapu, Sto. Domingo, at Tabaco City, dulot ng Shearline.
Ang Orange Warning na itinaas sa Albay ay nangangahulugang may banta ng pagbaha sa mga mabababang lugar at malapit sa mga ilog, pati na rin ang banta ng landslides sa mga lugar na madalas tamaan ng landslide. Ang matinding pag-ulan ay inaasahang magpapatuloy ng 2 hanggang 3 oras, kaya’t pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at maging handa.
Samantala, nakataas naman ang Yellow Warning sa mga lugar tulad ng Romblon at Northern Samar, kung saan may posibilidad ng pagbaha sa mga mabababang lugar at malapit sa mga ilog.
Patuloy na pinaaalalahanan ang publiko, pati na ang mga Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs), na magsagawa ng mga hakbang para sa kaligtasan at mag-monitor ng sitwasyon. Maglalabas ang PAGASA ng susunod na weather warning bandang 5:00 PM ngayong araw upang magbigay ng updates sa mga apektadong lugar. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay