Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na magkaroon ng reporma sa organisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) para mas mapalakas ang ahensya lalo na sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philppine Sea (WPS).
Sa ilalim ng minumungkahing Revised Philippine Coast Guard Law ng senador, layong tugunan ang operational at administrative gaps sa PCG.
Pinunto ni Gatchalian na mayroon mga gaps sa organizational structure at benefits ng mga tauhan ng PCG na nagiging hadlang sa operasyon nito.
Una nang inihain ng mambabatas ang Senate Bill 2516 na layong pahusayin ang mga ari-arian at pasilidad ng PCG gayundin ang palakasin ang mga kakayahan at kapasidad nitong tuparin ang kanilang mandato.
Sa ilalim nito ay lilikha ng isang PCG modernization trust fund.
Giit ni gatchalian, kailangang paigtingin ang kakayahan at kapasidad ng PCG dahil sila ang pangunahing tagapagtanggol ng ating mga karagatan laban sa bantang pangkalikasan, ilegal na aktibidad at paglusob na maaaring magdulot ng pinsala sa teritoryo at seguridad ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion