Aprubado na sa Bicameral Conference Committee ang P6.352 trillion 2025 National Budget.
Malugod namang ibinalita ni Speaker Martin Romualdez na pasok sa panukalang pambansang pondo ang P26 billion para sa Ayuda Para sa Kapos ang Kita o AKAP program.
“Nagpapasalamat tayo sa kapwa nating mga congressmen at sa Senate na sinuportahan nila ‘yung AKAP. Na-maintain at naibalik kaya tuloy-tuloy ang programa ng AKAP para sa mahihirap…Iyun ang talagang hangarin nating lahat, tulungan natin ang ating mga kababayan sa kahirapan ng inflation at mataas na bilihin,” ani Speaker Romualdez.
Matatandaan na ang programang ito ay isinulong ng Kamara, katuwang ang DSWD para umagapay sa mga kumikita ng 21,000 pababa kada buwan.
Pasok din sa inaprubahang pambansang pondo ang pagtataas ng subsistence allowance ng mga kasundaluhan sa P350 mula sa kasalukuyang P150.
Katumbas ito ng P10,500 na allowance kada buwan.
Ani Romualdez, malaking bagay ito para maipakita ang suporta at mapataas pa ang morale ng mga military and uniformed personnel.
“Napakagandang balita na nilagay po natin ang increase of our soldier’s daily subsistence allowance. We increased it from P150 to P350, that is going to be maintained and fully supported para sa ating mga sundalo…That translates to almost P10,500 kada buwan,” sabi ni speaker romualdez.
Ayon kay Appropriations Committee Chair Elizaldy Co, nasa P16 billion ang inilaang pondo para sa pagtataas ng subsistence allowance. | ulat ni Kathleen Forbes