Ipinagtanggol ni Budget Sec. Amenah Pangandaman ang ginawang pag-veto ni Pang. Bongbong Marcos Jr. sa ilang probisyon ng 2025 General Appropriations Act.
Ayon sa Kalihim, naharap sa ilang mga hamon ang GAA para sa taong 2025 sa kalagitnaan ng pagpasa nito dahil sa ilang pagbabago sa Bicameral Committee, kabilang na ang kapansin-pansing pagtaas sa Unprogrammed Appropriations.
Bilang tugon, masusing ginampanan ng Pangulo ang paggamit ng kaniyang veto powers upang bawasan ang mga nasabing paglaan.
Kabilang sa mga na-veto na mga item ang P168 billion mula sa Unprogrammed Appropriations sa General Appropriations Bill.
Para masiguro ang striktong pagsunod sa mga legal na pamantayan, 12 na Special Provisions ang isinailalim sa Conditional Implementation. Kabilang sa mga probisyon na ito ang ilang mahahalagang programa ng Department of Social Welfare and Development, gaya ng “Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP)” at “PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA) Program.”
Ilan pa sa mga Special Provision sa ilalim ng conditional implementation ang:
- “Basic Infrastructure Program;”
- “Support to Foreign-Assisted Projects;”
- Office of the Ombudsman “Payment of Retirement Benefits and Pensions,” kasama na ang “Release of Payment of Retirement Benefits and Pensions;”
- The Judiciary-Supreme Court “Maintenance and Other Operating Expenses of the Lower Courts;”
- The Department of Agriculture-OSEC “Rice Competitiveness Enhancement Fund;”
- “Use of Excess Revenue from the Total Annual Tariff Revenue from Rice Importation;”
- Natural Disaster Risk Reduction and Management (Calamity Fund) “National Disaster Risk Reduction Management Program;”
- Department of Finance-Bureau of Customs, “Rewards and Incentives Fund;” at
- Congress of the Philippines, “Availability of Appropriations and Cash Allocations.”
Samantala, ipinahayag naman ng Pangulo kaniyang paninindigan sa implementasyon ng ilang mga probisyon ng mga sumusunod:
- Congress of the Philippines “Organizational Structure of the Senate, the House of Representatives, the Senate and House Representatives Electoral Tribunals and the Commission on Appointments;”
- DPWH-OSEC, “Special Road Fund;”
- Department of Health-Osec, SP No. 5, “Health Facilities Enhancement Program;” at
- Section 79, General Principles, “Priority in the Use of Savings.”
Binibigyang-diin ng 2025 national budget ang social services, kabilang na ang education at health, alinsunod sa mandato ng Philippine Constitution. Ang economic services naman, tulad ng infrastructure at agriculture ay bibigyan rin ng kaukulang prayoridad para palaguin ang ekonomiya ng bansa at labanan ang mga epekto ng inflation at iba pang kalamidad.
Bilang pagtugon naman sa environmental challenges, binibigyang prayoridad rin ng budget ang green investments at disaster preparedness para protektahan ang kalikasan at paigtingin ang katatagan ng bansa laban sa mga kalamidad. | ulat ni Michael Rogas