Ikinadismaya ng mga mambabatas ang 91.2% dividend payout rate ng NGCP.
Punto ni Deputy Speaker David Suarez pinapakita lamang umano niti na inuuna ng NGCP ang kita ng mga shareholder sa halip na pondohan ang mga kinakailangang imprastraktura.
“Dapat inuuna nila ang priority at ang pagbibigay ng tamang serbisyo sa taong-bayan, hindi ang mga shareholders nila,” sabi ni Suarez.
Iniulat ni Energy Undersecretary Sharon Garin sa pulong ng House Committee on Legislative Franchises na sa 111 NCGP project na inaprubahan para sa third regulatory period, tanging 83 lamang ang nakompleto o 77 ang delayed.
Sinabi ni Garin na kasama rito ang Hermosa-San Jose transmission line na walong beses ng binabago ang schedule kung kailan ito dapat na matapos.
Ang mga delay na ito, ayon kay Garin ay isa sa mga dahilan kung bakit mahal ang kuryente at nagkakaroon ng mga power outage.
Dahil dito iginiit ni Laguan Rep. Dan Fernandez na dapat pairalin ng Kamara ang oversight nito at panagutin ang NGCP kung hindi nito nasusunod ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng ibinigay sa kanilang prangkisa.
Bunsod nito ay nagmosyon si Suarez para magsagawa ang komite ng isang komprehensibong pagrepaso sa performance ng NGCP upang malaman kung nakakasunod ito sa mga probisyon ng kanilang prangkisa.
Sisilipin sa isasagawang imbestigasyon ng komite ang operational at financial compliance ng NGCP sa prangkisa nito sa ilalim ng Republic Act No. 9511.
Ang NGCP ang nag-iisang transmission utility sa bansa kung saan 60% nito ay pagmamay-ari ng mga Pilipino kasama ang mga business tycoon na sina Henry Sy Jr. at Robert Coyiuto Jr. at ang 40% ay ang State Grid Corp. of China.| ulat ni Kathleen Forbes