Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbuo ng Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation and Development (OPAMRD) para sa pagpapabilis ng rebuilding ng Marawi City at mga kalapit nitong lugar.
Sa ilalim ng Executive Order No. 78, ang tanggapan na ito ay pamumunuan ng Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation (PAMR), na mapapasailalim naman sa kontrol ng at supervision ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP).
Ilan lamang sa inaasahang function ng tanggapan ang pagpapabatid kay Pangulong Marcos Jr. ng lahat ng usapin o update na mayroong kinalaman sa rehabilitasyon, development, at restoration ng kapayapaan sa Marawi City.
Kabilang rin ang pangangasiwa, monitoring, coordinating, at pag-harmonize ng lahat ng istratehiya, programa, at proyekto, at makipag-ugnayan sa concerned LGUs para sa implementasyon ng mga programa, aktibidad, at proyekto na mayroong kinalaman sa Marawi City rehabilitation and development.
Pirmado ni Pangulong Marcos Jr. ang kautusan, ika-28 ng Nobyembre, 2024. | ulat ni Racquel Bayan