Inihayag ng Police Regional Office 5 na naging “generally peaceful” ang pagdiriwang ng Pasko sa buong rehiyon ng Bicol ngayong taon.
Pinuri ni PNP BICOL Regional Director PBGEN Andre P. Dizon ang mga kasapi ng Kasurog Cops sa kanilang mga pagsusumikap upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan sa mga pangunahing lugar tulad ng mga terminal ng transportasyon, simbahan, pamilihan, at mga destinasyong panturista.
Ayon kay PBGEN Dizon, mahigit 5,000 na Kasurog Cops ang naka-deploy sa mga pampublikong lugar at nagsagawa ng iba’t ibang klase ng pag-patrolya, kabilang ang motorbike, bisikleta, at iba pang foot patrol. Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng pinatinding kampanya ng PRO5 laban sa kriminalidad upang mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran para sa lahat ng mamamayan.
Tiniyak din ni PBGEN Dizon na walang naitalang malalaking insidente sa rehiyon, at ang aktibong kooperasyon ng publiko at ang kanilang pagiging mapagbantay ay nakatulong upang makamit ang isang tahimik na Pasko. Pinahahalagahan ng PNP ang mga hakbang na ginagawa upang mapanatili ang kapayapaan sa buong rehiyon, lalo na sa panahon ng mga pagdiriwang.
Sa ngayon, nagpatuloy ang PRO5 sa kanilang mga hakbang upang tiyakin ang seguridad at maayos na pagdiriwang ng holidays sa buong Bicol. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay