Nilinaw ng Korte Suprema na pinapayagang gamitin bilang ebidensya sa korte ang mga online chat logs at video.
Sa desisyon ng Supreme Court, pinagtibay nito ang hatol ng Regional Trial Court na “guilty” laban kay Eul Vincent Rodriguez na inireklamo dahil sa qualified trafficking.
Sinabi ni 2nd Division Associate Justice Mario Lopez, pinapayagan sa ilalim ng Data Privacy Act ang pagproseso ng mga sensitibo at personal na impormasyon kung ito ay makatutulong para matukoy ang criminal liability ng isang iniimbestigahang akusado.
May proteksyon din daw ng batas ang karapatan at interes ng mga nagrereklamo habang dinidinig ng korte ang kaso.
Sinabi pa ni Justice Lopez, walang nalabag sa Right to Privacy si Rodriguez dahil ginamit bilang ebidensya ang mga videos at kopya ng kanyang mga chat, para patunayang ang pambubugaw niya sa mga menor de edad.
Una nang hinatulang ng Reclusion Perpetua o habambuhay na pagkakakulong ng Regional Trial Court si Rodriguez at pinatawan ng multang ₱2-milyon na pinagtibay din ng Court of Appeals. | ulat ni Mike Rogas