Hangad ng Trabaho Party-list na maging “personal choice” na lamang para sa mga Pilipino ang mangibang bansa para magtrabaho imbis na ito’y maging sapilitan o dahil sa matinding pangangailangan.
Ayon kay Trabaho Party-list Spokesperson, Atty. Mitchell-David Espiritu, kinikilala ng grupo ang pagiging ‘bagong bayani’ ng Overseas Filipino Workers at ang malaking kontribusyon nila sa ekonomiya ng bansa.
Ngunit iginiit ng tagapagsalita ng Trabaho Party-list na marami sa mga Pilipino ang nagiging OFW dahil sa kawalan ng oportunidad, kaya’t ito’y nagiging sapilitan o kaya’y ‘last resort’ para umunlad ang antas ng pamumuhay.
Dagdag pa ni Atty. Espiritu, malaki man ang remittances na naiuuwi ng mga OFW, may negatibong epekto naman ito sa kanilang pamilya dahil matagal silang mawawalay sa kanilang mga anak at minamahal sa buhay.
Upang tugunan ang isyung ito, layunin ng Trabaho Party-list na isulong ang iba’t ibang programa upang mapalapit ang mga oportunidad sa ating mga kababayan, tulad ng access sa tamang impormasyon, skills training at job-matching.
Paliwanag ni Atty. Espiritu, maitutugma ng Trabaho Party-list ang pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng industriya sa bansa sa skill set ng mga Pilipinong manggagawa.
Layunin din ng Trabaho Party-list na suportahan ang implementasyon ng Enterprise-Based Education and Training o EBET Framework Act upang siguraduhin ang skills alignment ayon sa market needs, mas mataas na kalidad ng mga aplikante, malawakang accessibility ng programa, at patuloy na pagtaas ng employment rate ng bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco