Pinag-aaralan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibleng maging kapalaran ng mga Sundalong nadawit sa isyu ng paggasta ng Confidential Funds ni Vice President Sara Duterte.
Ito’y makaraang pangalanan sa naging pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sina Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) Commander, Col. Raymund Lachica at LtCol. Dennis Nolasco.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng AFP hinggil sa pagkakasangkot ng dalawa partikular na sa kanilang mga naging paglabag.
Una nang iginiit ni Padilla na limitado lamang sa pagbibigay seguridad sa Pangalawang Pangulo at pamilya nito ang mandato ng VPSPG.
Gayunman, sinabi ni Padilla na kahit ayaw ng Pangalawang Pangulo sa mga bagong ilalagay na security detail sa kaniya matapos ilagay sa administrative relief ang ilan sa mga sangkot, nanindigan ang AFP na tutuparin nila ang kanilang mandato sa propesyunal na pamamaraan. | ulat ni Jaymark Dagala