Pinapaimbestigahan na sa Kamara ang laganap na pag-post ng mga peke at malisyosong balita online.
Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 2147 kung saan inaatasan ang House Committees on Public Order and Safety, Information ang Communications Technology at Public Information na magkasa ng inquiry in aid of legislation laban sa fake news, pag protekta sa freedom of speech ng mga Pilipino at pagtiyak sa kaligtasan ng digital world.
Ipinunto ng mga mambabatas na sa pagpapakalat ng mga peke at malisyosong online post ay nalilito ang publiko bukod pa sa nagiging pugad din ito ng cybercrime.
Nagagamit din anila ito para siraan ang reputasyon ng mga indibidwal at institusyon, at gumagambala sa pampublikong diskurso.
“False and malicious content has also been exploited by unscrupulous individuals to promote scams, cyberbullying and other activities that negatively impact public safety and order,” saan sa resolusyon
Layon din ng imbestigasyon na matukoy ang mga butas sa batas at kung ano pang lehislasyon ang maaaring pagtibayin laban sa mga pekeng balita para maisulong ang digital safety nang hindi naman maaapakan ang karapatan sa pagpapahayag salig sa Saligang Batas.
Ang resolusyon ay inihain nina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez, Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, at Reps. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, Bienvenido Abante Jr. ng Manila, at Joseph Stephen Paduano ng Abang Lingkod Party-list. | ulat ni Kathleen Forbes