Muling binigyang-diin ni Kabayan Party-list Representative Ron Salo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Magna Carta of Migrant Workers, kasunod ng pagkakasangkot ng isang OFW sa pagkasawi ng alagang bata sa Kuwait.
Aniya nakakalungkot ang insidente at nakikidalamhati siya sa naulilang Kuwaiti family.
Umaasa rin ang kinatawan na hindi ito makaka-apekto sa migration policy ng Pilipinas at Kuwait lalo at hindi pa tuluyang nakakabalik sa normal ang deployment ng OFW sa naturang bansa.
“While this isolated incident is deeply unfortunate, we trust that it will not define the migration policies of both the Philippines and Kuwait. Our deployment to Kuwait has not yet fully returned to normalcy, and we remain committed in ensuring the safety and well-being of our migrant workers and their employers abroad,” ani Salo.
Hiling din ni Salo sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na mabigyan ang kababayan nating household service worker ng angkop na legal representation para matiyak pa rin ang kaniyang karapatan.
Ngunit pinakamahalaga pa rin para masiguro ang proteksyon ng ating mga OFW ay ang pagkakaroon aniya nila ng Magna Carta.
Sa paraang ito matitiyak na sila ay physically at psychologically fit bago ang deployment upang maiwasang maulit ang ganitong trahedya gayundin ay maipaintindi ang mga batas sa pupuntahang bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes