Nilinaw ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na hindi politically-motivated ang mga kasong isinampa ng Philippine National Police (PNP) laban kay Vice President Sara Duterte at iba pa.
Mandato aniya ng PNP na ipatupad ang batas nang walang pinapaboran.
Paliwanag pa ng heneral, ang pagsasampa ng mga kaso laban sa sinumang indibidwal, anuman ang katayuan o kinabibilangang pulitikal, ay tungkulin ng pulisya alinsunod sa konstitusyon at Sambayanang Pilipino.
Ang hindi umano pagkilos para ipatupad ang batas ay maaaring humantong sa kawalan ng tiwala ng publiko.
Binigyang-diin pa ng PNP Chief ang mga aral na natutunan mula sa nakaraan, na naging selective sa paggamit ng batas na nagpahina sa tiwala ng publiko.
Muling pinagtibay ng PNP Chief ang commitment ng PNP na pangalagaan ang karapatan ng mamamayan habang tinitiyak na mabibigyan ng patas ang hustisya.| ulat ni Rey Ferrer