Nagpaalala si Senate President Chiz Escudero na huwag kalimutan ang mga kababayan nating mas nangangailangan ngayong kapaskuhan at tulungan sila.
Umaasa si Escudero na ang diwa ng Pasko at magbibigay inspirasyon sa lahat na maging mas mahabagin at mapagbigay.
Ngayong Pasko, panalangin aniya ng senador ang pagkain sa bawat hapag, bubong na masisilungan at kasuotan sa mga katawan.
Dapat aniyang dalhin ang diwa ng pag-asa at pagkakaisa sa Bagong Taon habang inaasam ang mas maliwanag at masaganang Bagong Taon.
Sinabi pa ng Senate leader na habang nagbabalik-tanaw tayo sa mga pagsubok nitong 2024, kabilang ang mga kalamidad na kumitil sa buhay ng ilan nating kababayan at sumira sa kanilang kabuhayan, ay dapat ring ipagdiwang ang katatagan at pagkakaisa ng mga Pilipino sa gitna ng mga hamon ng buhay.
Hiling rin ni Escudero na magdadala ng kapayapaan, kagalakan at biyaya sa bawat Pilipino ang darating na Bagong Taon.| ulat ni Nimfa Asuncion