Iginiit ngayon ng Malacañang na hindi sukatan sa mabuting pamamahala ang resulta ng mga survey.
Ito ang binigyang diin ni Executive Secretary Lucas Bersamin kasunod ng pinakahuling survey na inilabas ng Pulse Asia na kung saan, bahagyang bumaba ang trust at approval rating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang diin ni Bersamin, na interes ng publiko ang nagsisilbing motibasyon sa bawat desisyon ng Punong Ehekutibo, at hindi ang layuning makakuha ng mataas na ratings sa mga survey.
Bonus na lamang aniya ang mataas na popularity ratings subalit hindi aniya ito ang pundasyon ng epektibong paglilingkod sa bayan.
Dagdag ni Bersamin, na kung ang survey ang magiging basehan sa pagbibigay ng grado sa pamamahala ng Presidente ay mawawala lang aniya ang kanilang atensyon sa mas mahahalagang sukatan, tulad ng employment na mas maaasahang barometro ng pag-unlad ng bansa.
At gaya aniya ng mga aksyon ng Pangulo ay mananatiling nakatutok ito sa mahalagang misyon para iangat ang buhay ng bawat Pilipino, palaguin ang ekonomiya, at tiyakin ang magandang kinabukasan.
Lumabas sa nasabing survey na isinagawa mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3 ay nagsabing bumaba sa 48% mula sa 50% noong Setyembre ang approval rating ng Pangulo.
Ang trust rating sa kabilang banda ay bumaba rin sa 47% mula sa 50%. | ulat ni Alvin Baltazar