Patuloy ang pagsasagawa ng mga inisyatiba ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) sa mga usaping may kinalaman sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Katuwang ang Philippine Information Agency, nagsagawa ng media orientation ang OPAPRU na dinaluhan ng mga mamamahayag sa Bicol Region sa Legazpi City, Albay.
Layunin ng aktibidad na mapatatag ang samahan ng pamahalaan at ng mga mamamahayag sa pagpapalaganap ng mga programa ng gobyerno sa mga nagbalik-loob na rebelde. Gayundin, layunin nitong mapagtibay ang mga proyektong susulong sa pagkakaisa at kapayapaan sa bawat komunidad.
Ayon kay Christopher B. Azucena, Area Management Unit – Southern Luzon Bicol Coordinator ng OPAPRU, ilan sa mga hakbang ay ang pagpapatayo ng mga Peace and Development Centers. Aniya, nasimulan na nila ang paglalaan ng sapat na pondo para sa pagpapatayo ng nasabing pasilidad sa mga probinsya ng Masbate at Sorsogon. Habang ang plano para sa iba pang probinsya sa rehiyon ay nakatakdang ilaan sa susunod na taon.
Ang nasabing pasilidad ay layong pag-isahin ang mga aktibidad na may kaugnayan sa kapayapaan at magsilbing mga sentro ng koordinasyon para sa pamahalaang panlalawigan, mga ahensya ng gobyerno, mga proyektong congressional, mga non-governmental organizations (NGOs), at maging sa pribadong sektor.
Bukod dito, inilatag din ng OPAPRU ang iba pang mga hakbang ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Revitalized-Pulis sa Barangay ng Philippine National Police, Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng Armed Forces of the Philippines, tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development, at livelihood assistance mula sa Department of Labor and Employment at Department of Agriculture. Gayundin, kasama ang kanilang mga healing and reconciliation programs. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay