Hindi tumitigil ang pamahalaan sa pagtugon sa iba’t ibang concern ng mga mangingisdang Pilipino, partikular na iyong mga nangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, na sa katatapos lamang na Palawan Fisherfolk Congress, pinakinggan ng gobyerno ang hinaing ng 170 mangingisda.
“During that congress, binuksan natin iyong pag-uusap kung ano iyong mga issues at mga hinaing nila sa ating pamahalaan at nagbigay din tayo ng tulong financial para sa kanila. Nagbigay tayo ng payaw. Nagbigay tayo ng mga fiberglass boat.” —Malaya
Ayon sa opisyal, isa sa mga pinakatanong ng mga ito ay kung totoo ba na may moratorium sa pangingisda sa WPS, dahil sa una nang naging pahayag ng China na papayagan nito ang kanilang Coast Guard, na arestuhin ang mga dayuhan na umano’y trespassing sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Malaya, ipinaintindi nila sa mga mangingisda na ang Pilipinas lamang ang mayroong karapatan na magtakda at magpatupad ng regulasyon sa West Philippine Sea at hindi ang China.
“Sinabi po namin, ng National Security Council, na walang ibang bansa na puwedeng magbigay ng regulasyon diyan sa mga lugar na iyan kung hindi ang Philippine government lamang at walang karapatan ang China na mag-impose ng anumang regulation sa mangingisda.” —Malaya
Pagsisiguro ng opisyal, maaasahan ng mga mangingisda ang presensya ng pamahalaan tuwing sila ay papaalot at mangingisda sa lugar.
“Naging maliwanag po ito s ating mga kababayan at ako naman ay natutuwa dahil ganadung-ganado silang mangisda sa West Philippine Sea, and we assured them of the support of the Philippine government kapag sila ay nandoon at nangingisda.” —Malaya. | ulat ni Racquel Bayan