Isinusulong ni Senate Committee on Science and Technology Chairman Senador Alan Peter Cayetano ang agarang pagpapasa ng panukalang layong i-modernize ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa naging talakayan sa plenaryo ng senado, binigyang diin ng senador ang minor eruption ng Taal Volcano nitong Linggo bilang wake-up call para sa disaster preparedness ng bansa.
Aniya, mahalaga ang proactive approach sa disaster preparedness at risk reduction lalo na’t ang Pilipinas ang isa sa pinaka-vulnerable pagdating sa mga kalamidad at sakuna.
Pinunto ni Cayetano na sampu lang sa 24 na aktibong bulkan ng Pilipinas ang namomonitor ng PHIVOLCS at tanging ang Taal at Mayon lang ang may kumpletong monitoring systems.
Huli na rin aniya ang Pilipinas sa mga kapitbahay nating bansa sa rehiyon pagdating sa seismic monitoring capabilities.
Kabilang sa mga isinusulong ng panukala ang pagmomodernisa ng mga kagamitan ng PHIVOLCS, pagpapataas ng bilang ng mga seismic stations, at pagtitiyak ng mas magandang sweldo, at training sa mga tauhan ng ahensya.
Magsisilbi rin aniyang framework ang panukalang ito sa pagkakaroon ng klaro at consistent approach sa disaster preparedness and response. | ulat ni Nimfa Asuncion