Pasado na sa Senado ang panukalang batas na nagsusulong sa pagpapaigting ng kalidad at paghahatid ng early childhood care and development (ECCD) services.
Sa ilalim ng Senate Bill 2575, layong palawakin ang national ECCD System sa lahat ng mga probinsya, lungsod, munisipalidad, at barangay.
Sasaklawin ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services na tutugon sa pangangailangan ng mga batang wala pang limang taong gulang.
Titiyakin din ng ECCD System ang pinakamabuting kalagayan ng mga bata sa kanilang paglaki at development.
Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa bawat lungsod at munisipalidad na lumikha ng ECCD Office na sasailalim sa administrative supervision ng alkalde.
Pamumunuan ng tanggapang ito ang pagpapatupad ng mga ECCD programs, kabilang ang pangangasiwa ng mga child development teachers (CDTs), at child development workers (CDWs). | ulat ni Nimfa Mae Asuncion