Naghain si Senadora Loren Legarda ng isang panukalang batas na titiyak sa makatarungan at maayos na pamamahagi ng tertiary education subsidy (TES) na ipinapatupad sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Napansin aniya ng senadora ang nakakabahalang trend sa free higher education kung saan ang share ng mga TES grantees sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay bumaba ng husto mula 74.24 percent mula academic year 2018-2019 sa 30.74 percent na lang ngayong school year 2022-2023.
Kasabay nito ay napuna rin ni Legarda ang pagtaas naman ng mga lugar na walang state at local universities and colleges (SUC at LUC) na nakatanggap ng malaking bahagi ng subsidiya ng free higher education program mula sa 25.76 percent sa 69.26 percent sa parehong period.
Kaya naman sa ilalim ng Senate Bill 2905 na inihain ng mambabatas, ang mga estudyanteng kabilang sa 4Ps household na nakapagtapos ng senior high school at tinanggap sa isang CHED-accredited college o university ay awtomatikong qualified sa TES.
Ang natitira namang TES slots ay ilalaan sa mga estudyanteng may mababang kita, batay sa per capita income ng kanilang pamilya.| ulat ni Nimfa Asuncion