Panukalang pambansang pondo sa 2025, ratipikado na ng Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pormal nang niratipikahan ng Kamara ang Conference Committee Report sa Disagreeing Votes ng House Bill 10800 o ₱6.352-trillion 2025 General Appropriations Bill.

Ayon kay House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co, ang nilalaman ng panukalang pambansang pondo ay para sa pangmatagalang solusyon sa ilan sa mga isyung hinaharap ng bansa ngayon.

Kasama na dito ang ₱26-billion na alokasyon para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na sinuportahan ng mga senador, gayundin ang pinataas na subsistence allowance ng kasundaluhan.

Nakapaloob din sa panukalang budget para sa susunod na taon ang pondo para sa dams, solar-powered fertigation system, pagsasa-ayos ng healthcare facilities gaya ng Philippine Cancer Center, MEGA Hemodialysis Center sa National Kidney and Transplant Institute, Women and Children’s Medical Center, Modernization ng Philippine General Hospital at Philippine Heart Center, at iba pang regional specialty hospital.

Kinumpirma rin ni Co na nagkasundo ang Kamara at Senado na panatilihin ang budget ₱1.3-million budget cut sa pondo ng Office of the Vice President (OVP).

Ibig sabihin, mayroong ₱733 million na pondo ang OVP sa 2025.

Ang natapyas na pondo ay inilipat na aniya nila sa Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang magpapatupad ng mga social programs gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

“We considered the Senate’s concerns, particularly on the Office of the Vice President (OVP) budget. We decided to maintain the ₱1.3-billion budget cut and not to further reduce the OVP’s travel funds. Ang pondong tinapyas ay inilaan sa mga ahensiyang tulad ng DOH at DSWD na may mga subok nang programa tulad ng AICS at MAIFIP,” Ani Co.

Ngayong ratipikado na ang 2025 GAB ay maaari na itong maiakyat sa Tanggapan ng Pangulo para aralin at malagdaan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us