Kapwa ikinalungkot nina Tingog Party-list Representative Jude Acidre at OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang ibinabang hatol sa 13 Pilipina sa Cambodia na nahuli dahil sa surrogacy.
Ayon kay Acidre na siyang chair ng House Committee on Overseas Workers Affairs, pag-aaralan nilang mabuti ang naturang kaso.
Maaari kasing naging biktima ang ating mga kababayan ng human trafficking salig sa United Nations.
“I was made aware of this developing issue. The UN defines human trafficking as the recruitment, transportation, transfer, harbouring or receipt of people through force, fraud or deception, with the aim of exploiting them for profit. Pinag-aaralan po natin nang mabuti ang kasong ito. May posibilidad po na ang ating mga kababayan ay naging biktima ng isang modus operandi,” sabi ni Acidre.
Sinabi naman ni Magsino na ang insidente na ito ay patunay na maraming nabibiktima ng human trafficking dahil sinasamantala ang kahinaan ng marami sa ating mga kababayan.
Kaya dapat aniya na palakasin ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa mga sindikato, sa loob man o sa labas ng bansa.
Hinatulan ng korte sa Cambodia ng apat na taong pagkakabilanggo ang 13 Pilipina dahil sa surrogacy.
Pagsiguro naman ng mga mambabatas na nakikipag-ugnayan ang ating Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang Cambodian counterparts para matiyak ang due process at proteksyon ng ating mga kababayan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes