Hinimok ng House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources ang Department of Agriculture (DA) na bigyang-pansin ang pagpapaunlad ng modernong pasilidad sa post-harvest sa silangang bahagi ng bansa upang mapalakas ang produksyon ng isda at matugunan ang bumababang huli sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang pagdinig, ipinanawagan ni Bicol Saro partylist Brian Yamsuan ang tulong ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), ang pagtatayo ng mga fish ports at cold storage facilities sa Samar, Leyte, at iba pang lalawigan sa silangang seaboard.
Hiniling ni Yamsuan na maagang matapos ang konstruksyon ng fishport dahil ang silangang seaboard ay kabilang sa mga pinaka-produktibong bahagi ng karagatan pagdating sa yamang dagat.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 6.78 porsyento ang huli ng isda sa WPS noong unang kalahati ng 2024, na umabot lamang sa 101,039.54 metric tons (MT) mula sa 108,392.48 MT noong 2023.
Kabilang sa mga panukalang batas na inaprubahan ng komite ang House Bill (HB) 10848 para sa pagtatayo ng fishport at cold storage sa Oras, at HB 10850 para sa fishport na may ice plant at cold storage facility sa Dolores, Eastern Samar, na parehong iniakda ni Minority Leader Marcelino Libanan.| ulat ni Melany V. Reyes