Tiniyak ng National Security Council (NSC) ang patuloy na tulong ng pamahalaan sa mga mangingisdang Palaweño sa West Philippine Sea.
Ito’y ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, kasunod ng isinagawang Northern Palawan Fisherman’s Congress nito lang isang linggo.
Ayon kay Malaya, China at hindi ang Pilipinas aniya ang nagpapatupad ng moratorium sa pangingisda kaya’t maaari pa ring makapamalakaya ang mga Pilipino sa naturang karagatan.
Kaya naman hinimok ni Malaya ang mga mangingisdang Palaweño na ipagpatuloy ang kanilang pangingisda kahit sa labas ng Municipal waters dahil may karaptan sila rito.
Sa huli, ipinaliwanag ni Malaya sa may 170 mangingisda ng Palawan sa kanilang kalayaan at karapatan sa ilalim ng Philippine Maritime Zone Act. | ulat ni Jaymark Dagala