Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na makibahagi sa ika-50 anibersaryo ng Metro Manila Film Festival (MMFF), at suportahan ito sa pamamagitan ng panunood ng mga pelikulang Pilipino na kalahok sa 2024 MMFF.
Sa mensahe ng Pangulo, sinabi nito na ngayong Pasko, muling bibida ang mga kwentong Pilipino sa ilalim ng temang “Sinesigla sa Singkwenta”.
Katatampukan aniya ito ng buhay at kultura sa bansa.
“Ngayong kapaskuhan, bibidang muli ang mga kwento ng ating lahi. Dahil ito sa espesyal na selebrasyon na ika-50 taon ng Metro Manila Film Festival na bahagi na ng ating buhay at kultura bilang Pilipino,” -Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, ang mga magagandang pelikulang kalahok ngayong taon ay tiyak na magbibigay ng gintong aral at saya sa mga manonood.
“Ang mga magagandang pelikulang kalahok ngayon ng golden year ng MMFF ay siguradong magbibigay ng gintong saya at mag-iiwan ng mga ginintuang aral.” -Pangulong Marcos.
Ilan lamang sa mga kalahok para sa 2024 MMFF ay ang:
Green Bones, And the Breadwinner is…, Isang Himala, The Kingdom, Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital, Espantaho, Hold Me Close, My Future You, Topakk, at Uninvited. | ulat ni Racquel Bayan