Haharap sa buong puwersa ng umiiral na batas. Ito ang binigyang-diing babala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng wala nang mapapahintulutang makapag-operate na POGO sa bansa gayung kakanselahin na ang lahat ng lisensiya nito sa kalagitnaan ng buwang ito.
Sa post ng Pangulo sa kanyang social media ay sinabi nitong sino mang magtangka na magsagawa ng iligal na operasyon ay papanagutin gamit ang buong puwersa ng batas sa bansa.
Ayon sa Pangulo, hindi na dapat pang mapahintulutang makapaminsala ang offshore gaming operation.
Pagbibigay-diin ng Chief Executive, kanselado na ang lisensiya ng POGO at Internet Gaming Licensees (IGL) kaya’t wala na aniyang dapat na makapag-operate nito.
Una dito’y inihayag sa Malacañang Briefing ni PAGCOR Chair Alejandro Tengco na kanilang iniulat sa Pangulo na simula December 15 ay wala nang bisa ang lisensiya ng mga nasa POGO. | ulat ni Alvin Baltazar