Siniguro ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakaalalay pa rin ang kanilang hanay sa mga lokal na pamahalaan, sa gitna ng mga pag-ulan at pagbaha na dala ng shearline.
“Maliban sa ating mga tauhan na naka-deploy sa mga pantalan, mayroon din po tayong nakaantabay na mga deployable response group.” -Ricafrente
Pahayag ito ni Coast Guard Spokesperson Commodore Algier Ricafrente, sa kabila ng pagiging abala ng PCG sa pagbabantay sa mga pantalan, ngayong holiday season.
Halimbawa aniya sa Palawan na isa sa mga apektado ng shear line.
“And in fact sa may Palawan, mayroon na tayong mga area doon na nagkaroon… na tumulong tayo sa lokal na pamahalaan para ma-evacuate iyong ibang mga kababayan natin na naapektuhan ng pag-ulan at inabot po ng mga baha doon.” -Ricafrente
Bagamat hindi malala ang sitwasyon doon, mayroon pa ring mga lugar ang inabot ng baha, dahil sa mga pag-ulan, kaya’t kinailangan ng PCG na umalalay sa paglilikas ng mga residente.
Pagsisigruo ng opisyal, sila sa PCG, palaging handang tumulong sa mga mangangailangang LGUs.
“So, hindi naman ganoon kagrabe iyong mga report na natanggap natin pero dahil nga bilang kabahagi ng ating pamahalaan ay tumutulong din po tayo sa lokal na pamahalaan, sa mga area na naapektuhan noong shear line na iyon at iyong mga pag-ulan.” -Ricafrente. | ulat ni Racquel Bayan