Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) para mahanap ang nawawalang Pinoy na tripulante ng Singaporean vessel na RTM Zheng He.
Kinilala ang nawawalang crew ng barko na si Aguaviva Gel Jutba, 44 anyos. Huling nakita si Jutba noong Disyembre 26, 2024, bandang 11:25 ng umaga, sa port side main deck ng barko na noo’y nasa 111 nautical miles northwest ng Zamboanga City Pier, patungo sa Australia mula China.
Ayon sa ulat, agad nag-deploy ang BRP Capones (MRRV-4404) para tumulong sa paghahanap sa Pinoy na tripulante kasama ang iba pang mga barkong malapit sa lugar, tulad ng MV HL Hope at MV Federal Sutton.
Pinayuhan din ng PCG ang lahat ng barkong dumadaan sa lugar na magbigay ng tulong at mag-ulat kung may nakitang anumang may kaugnayan sa insidente.| ulat ni EJ Lazaro