Suportado ng PhilHealth ang panawagan ng ilang mambabatas na ibaba ang singil sa premium contribution sa kanilang mga miyembro.
Sa pagharap ng PhilHealth sa House Committee on Good Government and Public Accountability sinabi ni PhilHealth President Emannuel Ledesma, 110% nilang sinusuportahan ang panukala na maibaba ang premium rate contribution.
Isa sa kasi sa ipinunto ni AKO BICOL party-list Rep. Jil Bongalon, salig sa batas, kung may sobrang reserve fund ang PhilHealth ay dapat itong gamitin para palawigin ang case rates at ibaba ang singil sa kontribusyon.
At dahil ayon naman sa PhilHealth, mayroon silang sobrang reserve fund at nakatakda nang palawigin ang case rates ng dagdag na 50% sa susunod na buwan, kailangan na lang na maibaba ang contribution rate.
Tugon naman ni Ledesma, handa ang PhilHealth na gawaan ng paraan ang pagpapababa sa kontribusyon.
Ngunit dahil ito ay nakasaad sa batas, ay wala ito sa kanilang kamay.
Gayunman, kung uusad aniya ang panukalang batgas na ibaba sa 3.25% ang kasalukuyang 5% rate ay susuportahan aniya nila ito.
Sabi pa ni Ledesma, nang siya ay humarap noon sa Senado ay nangako na rin siya na uupuan at pag-uusapan nila kung paano maibababa ang premium rate contribution. | ulat ni Kathleen Forbes