Iginiit ni Sen. Joel Villanueva na kinakailangan na ng heightened vigilance sa pagtitiyak ng seguridad ng ating territorial waters.
Ito ay kasabay ng pagpapahayag ng senador ng pagkabahala sa namataang presensya ng isang Russian attack submarine sa West Philippine Sea (WPS).
Binigyang-diin ni Villanueva na dapat tayong manatiling alerto, nagkakaisa at proactive sa pagdepensa ng ating pambansang interes kasabay ng pagtataguyod pa rin ng diplomatic efforts para mapanatili ang kapayapaan at stability sa rehiyon.
Sinabi rin ni Villanueva at ni senate Majority leader Francis Tolentino na makakatulong ang bagong batas na Maritime Zones Act at Achipelagic Sea Lanes Law ng Pilipinas para magsilbing legal tools ng ating bansa sa paggiit at pagprotekta sa soberanya sa ating karagatan.
Hinimok ni Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ipagpatuloy ang pagpapaalam sa international community tungkol sa mga seryosong hakbangin ng Pilipinas para pagtibayin ang ating poder at karapatan sa maritime zones at karagatang ating nasasakupan.
Pinasalamatan at pinuri rin ng mga mambabatas ang ating Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa walang patid nilang commitment bilang tagapagbantay ng ating karagatan, at sa pagtitiyak ng kaligtasan at seguridad ng maritime territory ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion