Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na Purchasing Manager’s Index (PMI) kontra sa lima pang bansa sa ASEAN region para sa buwan ng Nobyembre 2024, ayon sa ulat ng S&P Global.
Ayon sa datos mula sa S&P Global, naitala ng Pilipinas ang PMI na 53.8 ngayong Nobyembre, mas mataas kumpara sa 52.9 noong Oktubre na sinusundan ng Vietnam at Thailand na may PMI na 50.8 at 50.2. Sinundan ito ng Myanmar, Indonesia, at pinakahuli ang Malaysia na may PMI na 49.2.
Ang PMI ay isang mahalagang economic indicator na sumusukat sa kondisyon ng manufacturing sector base sa limang salik—new orders, output, employment, suppliers’ delivery times, at stocks of purchases. Ang PMI na mas mataas sa 50 ay nangangahulugang positibong operating conditions.
Mahigit 15 buwan na ring tuloy-tuloy na bumubuti ang sektor ng manufacturing ng Pilipinas ayon sa S&P, na inaasahang magdadala ng mas malaking kumpiyansa sa ekonomiya. Bukod dito, positibo ang pananaw ng mga negosyo sa mas mataas na benta sa mga susunod na buwan dahil sa nalalapit na eleksyon sa 2025.| ulat ni EJ Lazaro