Pinapurihan ni Navotas representative Toby Tiangco ang Department of Agriculture (DA) sa pagpapalawak nito sa Rice-for-All program.
Aniya, napapanahon ito para makapagbigay ng access sa murang bigas sa bawat Pilipino ngayong kapaskuhan.
“Sakto sa Kapaskuhan ang pagpapalawak ng implementation ng Rice-for-All Program. Mabibili na sa mas marami pang public markets, pati na train stations, ang P40 kada kilo na bigas kaya maiibsan din nito ang mga gastusin ng ating mga kababayan,” saad ni Tiangco.
Sa ilalim ng expanded Rice For All program mabibili na rin ang P40 kada kilo ng bigas sa Maypajo Public Market (Caloocan City), Murphy Market at Cloverleaf Balintawak (Quezon City), La Huerta Market (Parañaque City), at Trabajo Market (Sampaloc, Manila).
Mayroon din nito sa LRT Recto Station at MRT stations sa Ayala, North Avenue, at Cubao.
Giit ni Tiangco, naka linya ang programang ito sa commitment ng administrasyon na labanan ang inflation at ibaba ang presyo ng bilihin.
“The President’s marching orders have always been clear – we must take every step possible to keep prices down and help Filipinos deal with inflation. Itong karagdagang areas na mag-ooffer ng murang bigas ay patunay na seryoso si President Bongbong sa pagtupad sa kanyang commitment sa ating mga kababayan,” giit pa niya.
Tiwala si Tiangco na mapapalawak pa ng pamahalaan ang programa na ito upang mas marami pang Pilipino ang makinabang at makabawas sa gastusin. | ulat ni Kathleen Forbes