Sa ika-apat na pagkakataon ay bigo pa ring sumipot si dating Mandaluyong Police Chief Col. Hector Grijaldo sa pagdinig ng Quad Committee.
Matatandaan ang ibinigay na paliwanag ng kampo ni Grijaldo sa pagliban ay dahil nasa ospital ito para sa isang medical operation.
Dahil dito, inatasan ang medical services ng Kamara at ng PNP na suriin ang kalagayan ni Grijaldo sa ospital.
Ayon kay Police Colonel Dominic Guevara, Chief ng PNP General Hospital, December 5 nang bisitahin nila si Grijaldo sa isang ospital sa Pasig salig sa atas ng Directorate for Personnel and Records Management o DPRM.
Si Police Lieutenant Colonel Lionel Garcia, Chief ng Orthopedic Department ng PNP General Hospital, ang sumuri kay Grijaldo. Aniya, nang kanila siyang bisitahin ay gising, coherent, cooperative at ambulatory naman ang pulis.
Sa kaniya ring pagtaya ay kakayanin naman niya na dumalo sa pagdinig. Gayunman, maaaring hindi aniya ito pinayagan ng kaniyang attending physician dahil sa iba pang medical condition.
Hindi nga lang aniya niya masabi kung ano ito dahil hindi sila binigyan ng kopya o access sa medical history ni Grijaldo.
Hindi naman matanggap ni Taguig Rep. Pammy Zamora ang patuloy na pagliban ni Grijaldo, gayong ang mga kasamahang mambabatas na sina Quezon City Rep. PM Vargas at Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. ay nakabalik agad sa trabaho matapos maoperahan sa balikat at tuhod.
Dahil dito nagmosyon si Zamora na ipa-contempt si Grijaldo dahil sa paglabag sa Section 11 Paragraph A ng kanilang internal rules.
Sa hiwalay naman na mosyon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, pinapadetine si Grijaldo sa detention facility ng Kamara hanggang sa mapagtibay ang committee report ng Quad Comm.
Pinapadalo rin ang attending physician ni Grijaldo sa susunod na pagdinig ng Quad Committee. | ulat ni Kathleen Forbes