Tiniyak ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian na may pondo para sa patuloy na suporta para sa Alternative Learning System (ALS) at sa mga mag-aaral na may kapansanan o learners with disabilities sa ilalim ng 2025 National Budget.
Ayon kay Gatchalian, may nakalaang ₱6.34.83 million sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA) para sa Flexible Learning Options upang suportahan ang pagpapatupad ng mga programa ng ALS.
Saklaw ng naturang alokasyon ang ALS learning resources, pati na rin ang transportation at teaching allowance ng mga ALS Teachers at Community ALS Implementers na katuwang ng Department of Education (DepEd).
Naglaan naman ng ₱100 million sa ilalim ng Textbooks and Other Instructional Materials para sa mga mag-aaral na may kapansanan na naka-enroll sa pormal na sistema at sa ALS.
Saklaw ng pondong ito ang iba’t ibang mga platapormang ginagamit sa pagtuturo kagaya ng electronic at online modes.
Sinabi ni Gatchalian na mahalaga ang mga programang nagtataguyod ng kapakanan para sa mga mag-aaral na may kapansanan at nagbibigay sa kanila ng oportunidad para sa abot-kaya at dekalidad na edukasyon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion