Susuyuin ng Department of Education (DepEd) ang pribadong sektor para tumulong na mapunan ang kakulangan ng mga School building sa bansa.
Ito ang inihayag ni Education Sec. Sonny Angara nang bisitahin nito ang mga Guro at School Leader ng La Paz, Tarlac.
Ayon sa Kalihim, kinikilala nito ang mahalagang papel ng pribadong sektor sa pagtatayo ng mga bagong Paaralan para matugunan ang pangangailangan ng dumaraming bilang ng mga mag-aaral.
Sa ilalim nito, sinabi ni Angara na bubuksan nila ang bidding para sa nasa 1 libong school buildings at saka i-aalok sa pribadong sektor para sa konstruksyon nito.
Bukod sa PPP, target din ng Kagawaran na palawakin pa ang kamalayan hinggil sa Adapt-A-School Program sa pribadong sektor na magbibigay naman sa kanila ng insentibo pagdating sa pagbubuwis.
Dagdag pa ni Angara, tinututukan din nila ang digital technology para mapaunlad pa ang mga pagkakataon sa pagkatuto ng mga estudyante at mailatag sa kanila ang innovations sa pagtuturo. | ulat ni Jaymark Dagala