Ikinalugod ni Murang Pagkain Supercommittee o kilala rin bilang Quinta Committee over all Chair Joey Salceda ang plano ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na magdeklara ng food security emergency, para mapahupa ang presyo ng bigas.
Ayon kay Salceda, isa ito sa mga itinulak nilang hakbang sa DA dahil may mga batas naman aniyang magagamit ang ahensya para labanan ang price manipulation.
“Good. That’s what the Murang Pagkain Supercommittee has been asking the DA to do. The DA is not at all powerless under the law to curb price manipulation in the rice market.” aniya
Umaasa naman si Salceda na sa lalong madaling panahon ay maipatupad ito ng DA, kasabay ng pinaigting din aniyang inspeksyon sa mga warehouse at post-clearance inspections ng mga imported stock, katuwang naman ang Bureau of Customs.
Sa isang kalatas sinabi ng DA, na ikinokonsidera ni Sec. Tiu Laurel ang pagdeklara ng food security emergency sa ilalim ng amended Rice Tariffication Law.
Pinaaaral na rin ng kalihim kung maaaring paganahin ang Consumer Price Act sa tila umiiral na profiteering. | ulat ni Kathleen Forbes