Binigyang diin ni Senate President Pro Tempore at Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada na mapapalakas ng Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan ang defense capabilities ng Pilipinas sa gitna ng tensyon sa rehiyon, partikular sa West Philippine Sea.
Ayon kay Estrada, sa tulong ng kasunduang ito ay mas madedepensahan ng Pilipinas ang ating mga borders at ang mga Pilipino at matitiyak ang peace at stability sa indo-pacific region.
Binigyang diin ng senador na 2015 pa lang ay tinitingnan na ng ating bansa ang posibilidad na magkaroon ng visiting forces agreement sa Japan.
Matagal na aniyang kapartner ng Pilipinas ang Japan sa development sa maraming paraan.
Giit ng senador, maraming mabebenepisyo ang Pilipinas sa RAA, kabilang na pagdating sa defense capabilities, pagtugon at paghahanda sa mga kalamidad, regional stability, palitan ng kaalaman, at economic at strategic partnerships.
Dinagdag rin ni Estrada na mapapadali rin nito ang joint military exercise sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at Japan Self-Defense Forces.
Sa ngayon ay naipresenta sa plenaryo ng senado ang RAA sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Matatandaang base sa konstitusyon, kailangan ng pagsang-ayon ng senado para ganap na maipatupad ang nilalaman ng anumang tratadong papasukan ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion