Puspusan na ang paghahanda ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod Pasay para sa mas mabilis at sistematikong pagproseso ng pagpapa-renew ng business permit na sisimulan mula sa November 2 hanggang January 20, 2025.
Maliban sa onsite processing o personal na pagpunta sa mga opisina, inatasan ni Mayor Imelda Calixto Rubiano ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) na magsagawa ng “online” processing upang maging maginhawa at mas madali ang pag-renew ng business permit.
Ayon sa anunsyo ng BPLO, magsasagawa sila ng online at onsite business permit renewal sa ground level ng Double Dragon Plaza sa Macapagal Blvd. kanto ng EDSA extension simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Sa mga nais namang mag-avail ng online renewal, maaaring gamitin ang online site na https://epayments.pasay.gov.ph para sa pagproseso ng bayad at pagpapadala ng mga kinakailangang dokumento.
Samantala, nagbabala ang BPLO sa mga business establishment na hindi pa nakapag-comply sa kanilang mga dokumento at ilang requisitos sa pagkuha ng business permit.
Batay sa inilabas na memorandum ni Atty. Patrick Legaspi, officer-in-charge ng Pasay City BPLO, na may petsang December 2, 2024, pinaalalahanan nito ang mga business establishment na hindi pa nakapagbigay ng kaukulang dokumento.
Partikular na tinukoy ng BPLO ang mga business establishment na nabigyan lamang ng provisional permit o wala pang kumpletong requirements upang makapag-operate ng negosyo.
Iginiit ni Atty. Legaspi na posibleng bawiin nila ang provisional permit ng mga business establishment na hindi makakapagbigay ng kinakailangang dokumento gaya ng sanitary permit, fire safety clearance, at iba pa. Layon umano nitong mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko at maagapan ang posibleng paglikha ng sakuna kung walang pinatutupad na safety measures ang mga establisimyento.
Sa kabila nito, sinabi ng BPLO na malinaw ang direktiba ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na hangga’t maaari ay iwasan ang pagpapasara sa mga business establishment upang hindi makaapekto sa mga negosyante at mga trabahante.
Dahil dito, binigyan pa ng BPLO ng mas mahabang palugit ang mga negosyo na mag-secure ng kanilang mga kinakailangang requirements.
Tulad umano ng kaso ng dalawang wet market sa kahabaan ng Taft Avenue kung saan paulit-ulit silang sinulatan at pinaalalahanan na mag-comply sa kanilang mga kinakailangang requirements, subalit hindi sila tumatalima sa utos ng BPLO. | ulat ni Lorenz Tanjoco