Hinihintay na lamang ng pamilya Veloso ang magiging resulta ng legal negotiations upang ganap nang maka-uwi sa PIlipinas ang kanilang si Mary Jane.
Ito ang inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) matapos maka-uwi na sa bansa ang kapatid ni Mary Jane na si Maritess Veloso na nabiktima ng pang-aabuso sa Saudi Arabia.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, blangko sila sa eksaktong petsa ng pag-uwi ni Mary Jane sa bansa dahil ang punong abala rito ay ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ).
Kaya naman, ipinauubaya na ni Cacdac sa mga naturang kagawaran ang pagsagot hinggil sa mga legal impediments ng pag-uwi ni Mary Jane.
Sa kasalukuyan ani Cacdac, nakatutok sila sa pagbibigay ng tulong sa pamilya Veloso lalo’t isa rin sa kanilang miyembro ang naging biktima ng pang-aabuso sa ibayong dagat. | ulat ni Jaymark Dagala