Tiniyak ni Senator Sherwin Gatchalian na tinitiyak ng 2025 National Budget ang pagpapatuloy ng Rural Electrification Program ng pamahalaan o ang pagtitiyak na may kuryente sa mga kanayunan.
Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng inaprubahang national budget, ang National Electrification Administration (NEA) ay magkakaroon ng subsidiya mula sa gobyerno na P1.87 bilyon, para magbigay ng kuryente sa may 22,000 kabahayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng strategic rural electrification nito.
Ipinunto ng senador, na tinatayang 4.214 milyong kabahayan sa buong bansa ang wala pa ring kuryente noong Hunyo 2023.
Target naman ng gobyerno na maabot ang kabuuang electrification sa bansa pagsapit ng 2028.
Umaasa ang mambabatas, na sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa NEA ay makakatulong sa pagkumpleto ng rural electrification program ng pamahalaan.
Binigyang diin ni Gatchalian, na mas madaling makakamit ang pag unlad ng ekonomiya partikular sa mga probinsya, kung may kuryente, dahil kailangan ito para makaakit ng mamumuhunan at sa operasyon ng mga micro at small business enterprises. | ulat ni Nimfa Asuncion