Pinabulaanan ni Senate Committee on Finance chairman Senadora Grace Poe ang pahayag ni Senadora Imee Marcos na hindi pinansin ng kanyang kumite ang apela na taasan ang panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Una na kasing sinabi ni Marcos sa isang panayam sa radyo na ilan sa mga kasama niyang Senador ang sumama asng loob matapos isnabin o hindi pansinin ng Senate Finance Committee ang hiling nilang dagdag pondo para sa OVP.
Ibinahagi rin ni Senadora Imee na at least 11 na Senador ang nagtaas ng kamay nang tanungin kung pabor silang taasan ang OVP budget.
Giit ni Poe, ang inaprubahang bersyon ng Senado ng 2025 budget bill ay resulta ng ginawang deliberasyon ng mga senador.
Lahat aniya ng mga senador na present sa plenaryo nang mga panahon na iyon ay bumoto pabor sa kanilang 2025 budget bill, maliban na lang sa isang senador (Koko Pimentel) na nag-abstain sa botohan.
Tiwala ang senadora na ang bagong badyet ay magbibigay kakayahan sa lahat ng ahensya na gampanan ang kanilang mga mandato na maghatid ng de-kalidad na serbisyong kailangan ng mga Pilipino.
Samantala, binahagi ni Poe na sa ngayon ay hindi pa tapos ang trabaho ang TWG (technical working group) na binuo ng mga senador at kongresista para plantashin ang 2025 General Appropriations Bill.
Pwede aniyang sa December 9 o 10 muling mag-convene ang Bicam panel para sa maisapinal ang budget bill.| ulat ni Nimfa Asuncion