Nakibahagi si Senator Imee Marcos sa isinagawang programa ng Department of Agrarian Reform (DAR) ngayong araw, December 4, kaugnay sa distribusyon ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) at awarding ng titulo sa 1,187 na mga benepisyaryo sa Palawan.
Dito ay nai-release ang nasa 1,465 COCROM kung saan ang mga pasanin na bunga ng amortisasyon na iginawad ng pamahalaan sa programang agraryo ay pinatawad na.
Ito ay nag-aalis ng malaking pasanin para sa mga magsasaka na naipatupad sa ilalim ng RA 11953 na isinulong ng maraming mambabatas, kabilang na si Sen. Imee Marcos.
Kabilang sa mga nakatanggap nito ay ang mga agrarian reform beneficiaries mula sa munisipyo ng Roxas, Aborlan, Bataraza, Sofronio Española, Brooke’s Point, at Quezon, Palawan, kasama na rin ang ilang mga ARBs sa lungsod ng Puerto Princesa.
Kasabay rin nito ay nai-award ang nasa 239 land titles ng agricultural lands sa 207 agrarian reform beneficiaries sa lalawigan ng Palawan. | ulat ni Lyzl Pilapil | RP1 Palawan