Pinatitiyak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Department of Trade and Industry (DTI) na hindi aabusuhin ng mga negosyante ang panahon ng Pasko para itaas ng walang dahilan ang pressyo ng kanilang mga produkto.
Partikular na pinasisiguro ng senador na hindi maaabuso ang presyo ng mga Noche Buena items gaya ng keso, macaroni, spaghetti, fruit cocktail, all-purpose cream, hamon, at iba pa.
Giit ni Pimentel na mahalaga na mapanatili ang patas na presyo ng mga pangunahing bilihin para sa lahat ng mga Pilipino, lalo na sa mga mahihirap.
Kaya naman dapat aniyang maging mahigpit ang pagbabantay ng DTI sa presyo ng mga paninda at aksyunan agad ang mga kumpanyang sangkot sa price manipulation.
Binigyang-diin rin ng mambabatas na hindi dapat makalusot ang mga tindahang nagtatago ng stocks o naniningil ng sobra para lang kumita ng higit sa panahon ng Kapaskuhan.
Nagpaalala rin si Pimentel sa mga tindero na sundin ang suggested retail price na itinataka ng DTI at mga batas.
Kasabay nito ay hinimok ng senador ang publiko na isumbong sa mga awtoridad ang mga negosyanteng mananamantala at magtataas ng presyo ng Noche Buena items. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion