Inamin ni Senasdor Juan Miguel Zubiri na dismayado siya sa naging pinal na bersyon ng panukalang budget ng Department of Science and Technology (DOST) para sa susunod na taon.
Sa ginawang Bicameral Conference Committee meeting kanina, kapansin-pansin na ang pagiging dismayado ng senador.
Nang matanong tungkol dito, sinabi ni Zubiri na nalulungkot siyang hindi in-adapt sa Bicam version ng budget bill ang inaprubahan ng Senado na dagdag P700-800 million para sa ahensya.
Sa ilalim kasi aniya ng Bicam version ay nabalik sa NEP level ang budget ng ahensya.
Giniit ni Zubiri na mahalaga sana ang dagdag pondo para sa DOST lalo na para makabili ng mga makabagong kagamitan ang Phivolcs at sa PAGASA.
Ito lalo na ngayon sa gitna ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon at sunod-sunod na pagdaan ng mga bagyo sa bansa.
Si Zubiri ang tumayong sponsor sa Senado ng panukalang 2025 budget ng DOST.| ulat ni Nimfa Asuncion