Umaasa si Senador Juan Miguel Zubiri na natugunan at naitama na ng Malacañang ang ilang kwestiyonableng probisyon sa panukalang 2025 budget na isinumite ng Kongreso para maiwasan na may mag-akyat dito sa Korte Suprema.
Matatandaang naka-schedule nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 2025 General Appropriations Act (GAA) sa December 30.
Ayon kay Zubiri, umaasa siyang naisaayos na ng Palasyo ang ilang item sa budget gaya ng sa sektor ng edukasyon na nabawasan ng pondo, kabilang na dito ang para sa computerization program ng Department of Education (DepEd).
Gayundin aniya ang tila hindi na pagiging prayoridad ng sektor ng edukasyon sa nabuong budget dahil lumabas na mas malaki ang budget para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pinal na bersyon nito.
Bagay na posible aniyang maideklarang unconstitutional dahil sa ilalim ng Saligang Batas, ang sektor ng edukasyon ang dapat na may pinakamalaking alokasyon sa Pambansang Pondo.
Dinagdag rin ng mambabatas ang zero subsidy para sa PhilHealth.
Giit ni Zubiri, hindi makabubuting madeklarang unconstitutional ang 2025 budget dahil maaantala nito ang pagpapatupad at pagiging epektibo ng Pambansang Pondo para sa susunod na taon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion