Pinahayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senadora Pia Cayetano na pinamalas ng kanyang kumite ang commitment sa transparency, accountability, at good governance ngayong 2024.
Matatandang Enero ng taong ito, 2024, napili si Senadora Pia bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee kapalit ni Senate Majority Leader Francis Tolentino.
Kabilang sa mga isyung binusisi ng kumite ngayong taon ang sistematikong pamemeke ng mga birth certificate, passport, at iba pang mga government-issued documents na ilegal na ginagamit ng mga dayuhan.
Sa mga naging pagdinig ng Blue Ribbon, natuklasan ang libu-libong kwestiyunableng birth certificate sa iba’t ibang panig ng bansa na pagmamay-ari ng mga indibidwal na may dayuhang mga magulang.
Nagbabala si Cayetano na isang seryosong national security concern ang pagbebenta ng Philippine citizenship.
Inimbestigahan rin ng kumite ang delegasyon ng Pilipinas sa 10th World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control Conference of Parties (COP10), kung saan napabilang ang ilang tobacco advocates.
Nabigo aniya ang mga delegado na depensahan ang health interest ng bansa, na nagresulta sa paggawad sa Pilipinas ng ika-lima nating “dirty ashtray awards”.
Isa itong award na binibigyan sa mga bansang pinapaboran ang tobacco industry kaysa ang kalusugan ng publiko.
Inaksyunan rin ng Blue Ribbon ang pagtataguyod ng integridad ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagtugon sa hindi pagsunod ng Philippine Sports Commission (PSC) sa World Anti-Doping Agency (WADA) Code.
Inilalagay aniya kasi nito sa alanganin ang eligibility ng mga atletang Pilipino na makalahok sa mga international event, kabilang ang Olympics. | ulat ni Nimfa Asuncion
📷Sen. Pia Cayetano Official Facebook Page