Senate inquiry tungkol sa pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa smuggling ng mga produktong pinapatawan ng excise tax, isinusulong

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nais paimbestigahan ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa smuggling ng mga produktong pinapatawan ng excise tax, kabilang na ang vape at sigarilyo.

Sa paghahain ng Senate Resolution 1243, sinabi ni Gatchalian na kinakailangang muling suriin ng pamahalaan ang diskarte para malabanan ang smuggling at bawal na kalakal sa bansa.

Pinunto ng senador ang datos mula sa Department of Finance (DOF) na nagsasabing nawawalan ang gobyerno ng potensyal na kitang 52 billion pesos taon-taon dahil sa smuggling ng vape at tobacco products.

Mula aniya sa halagang ito, 35 billion pesos ang nawawalang kita mula sa smuggling ng tobacco products habang 17 billion pesos ang mula sa vape products.

Giit ni Gatchalian, mahalagang tandaan na ang smuggling at illicit trade ay mga gawain na nagiging salot sa maraming tao.

Bukod aniya sa nababawasan ang kita ng gobyerno, sinisira rin nito ang tuntunin ng batas, nagpapalakas ng katiwalian, nakakapinsala sa pagiging competitive ng mga lehitimong negosyo, at nagiging pangunahing pinagkuunan pa ng kita ng mga organized crime groups.

Binigyang diin pa ng senador na ang nawawalang kita ng gobyerno mula sa smuggling ng mga excisable products ay dapat sanang nagagamit sa mga proyektong makakatulong sa mga mahihirap na Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us