Naglabas ng Weather Advisory No. 4 ang PAGASA ngayong umaga, December 17, 2024, kaugnay ng inaasahang malalakas na pag-ulan dulot ng shear line at Low Pressure Area (LPA). Ngayong araw, makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan (50-100 mm) ang Quezon, Camarines Norte, Eastern Samar, Northern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental.
Bukas, December 18, patuloy na maaapektuhan ng parehong dami ng ulan ang Quezon, Camarines Norte, Eastern Samar, Northern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur. Sa Huwebes, December 19, magpapatuloy ang katamtaman hanggang sa malakas na ulan sa Dinagat Islands at Surigao del Norte.
Pinaalalahanan ang publiko na maaaring mas mataas ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at mataas na lugar, at maaari pang lumala ang epekto sa ilang lugar dahil sa mga nakaraang pag-ulan. Hinihikayat ang lahat na mag-ingat at maghanda upang protektahan ang buhay at ari-arian.
Maglalabas ang PAGASA ng susunod na advisory mamayang 11:00 AM, maliban na lamang kung magkakaroon ng mahalagang pagbabago. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay