Nagbigay ng babala ang PAGASA hinggil sa epekto ng shear line na inaasahang magdadala ng malalakas hanggang matitinding pag-ulan sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon ngayong December 4, 2024. Ang Cagayan at Isabela ay makakaranas ng malalakas hanggang matitinding pag-ulan na maaaring umabot sa 100-200 mm, habang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Apayao at Kalinga na may sukat na 50-100 mm.
Bukas, December 5, magpapatuloy ang malalakas hanggang matitinding pag-ulan sa Cagayan, at katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Isabela at Apayao. Sa Biyernes, December 6, ang Cagayan ay muling makakaranas ng katamtaman hanggang malalakas na ulan.
Pinaalalahanan ang publiko, lalo na ang mga nasa bulubunduking lugar, na mag-ingat dahil maaaring mas mataas ang sukat ng ulan sa mga elevated na lugar. Pinayuhan din ang mga disaster risk reduction and management offices na magsagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.
Maglalabas ang PAGASA ng karagdagang ulat sa ganap na 11:00 ng umaga kung may pagbabago sa lagay ng panahon. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay